Sextortion pinatutukan ni de Lima

Ayon kay de Lima, dapat magtulungan ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno para matapos na ang pamamayagpag ng mga lokal na sindikato na patuloy na nambibiktima online.

MANILA, Philippines — Kinalampag kahapon ni Senator Leila de Lima ang awtoridad dahil sa pagtaas ng bilang ng “sextortion” sa social media.

Ayon kay de Lima, dapat magtulungan ang lahat ng kinauukulang ahensiya ng gobyerno para matapos na ang pamamayagpag ng mga lokal na sindikato na patuloy na nambibiktima online. 

Ginawa ni de Lima ang pahayag matapos ilabas ng Channel News Asia (CNA) ang isang dokumentaryo na may pamagat na “The Dark Web”, kung saan na-feature ang isang “sextortion” syndicate sa Bulacan na pinamumunuan umano ng isang  Maria Caparas.

Ayon sa digital forensics investigator na si Ali Fazeli, maraming impormasyon sa internet na maa­ring gamitin para makagawa ng isang pekeng social media account.

Idinetalye sa nasabing report ang operasyon ng sindikato ni Caparas na nambibiktima ng mga banyaga gamit ang mga babae at mga batang wala pang 12 taong gulang.

 Si Caparas na tinatawag na “Sextortion Queen” ay nakakulong na dahil sa child abuse at trafficking.

“Nalagay ang Pilipinas sa malaking kahihiyan dahil sa kasong ito ni Caparas. Hindi na ito dapat pang maulit. Gawin natin ang lahat upang matiyak na ligtas ang paggamit ng Internet at social media,” pahayag ni de Lima.

Show comments