MANILA, Philippines — Dapat ipaalam ng United Nations Human Rights Council ang kanilang pakay bago sila payagan ni Pangulong Duterte.
“If they (investigators) want to come they have to tell the President their purpose. And if he finds the purpose legitimate, he will allow it,” sabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.
Magugunita na 18 bansa ang bumoto sa resolusyon ng Iceland na magsagawa ng imbestigasyon ang UN sa extrajudicial killings sa Pilipinas bunga ng war on drugs ng gobyernong Duterte.
Kinuwestyon naman ng Palasyo ang ginawang adoption ng UN sa inihaing resolusyon ng Iceland na humihirit ng imbestigasyon sa drug campaign ng pamahalaan.
Ayon kay Panelo, hindi naman nakakuha ng simple majority ang nangyaring botohan na ginawa ng may 47 mga bansa kaya’t maituturing na kuwestiyonable ang validity ng ginawang adoption ng UN.
Aniya, dapat ay umabot lang ng 24 ang bilang ng boto para makuha ang simple majority at hindi 18.
Sinabi ni Panelo na sa 18 botong pumapabor sa resolusyon ng Iceland, ibig lang sabihin nito na mayorya ng 47 member countries ng UN Human Rights Council ay hindi kumbinsido sa inihaing resolusyon.
Tinawag din ng Malacañang na one sided at malisyoso ito at nagpapakita ng kawalan ng respeto sa soberenya ng Pilipinas.
“It is offensive and insulting to the sensibilities of the 81% of the Filipino people who expressed satisfaction on the kind of forceful and effective governance that PRRD has given them,” ani Panelo.
Sa harap nito ay inihayag ni Panelo na hindi natitinag ang pamahalaang Pilipinas at tuloy aniya ang drug war ng Duterte administration.