Pakikialam ng UN rights council sinopla ni Lacson

Ipinaalala ni Lacson na gumagana ang criminal justice system ng bansa at pinaparusahan ang mga nagkakasalang alagad ng batas.
Geremy Pintolo

MANILA, Philippines — Sinopla kahapon ni Sen. Panfilo Lacson ang United Nations Human Rights Council (UNHRC)  kaugnay sa ipinasang resolusyon upang imbestigahan ang mga pagpatay sa bansa dahil sa war on drugs.

Ipinaalala ni Lacson na gumagana ang criminal justice system ng bansa at pinaparusahan ang mga nagkakasalang alagad ng batas.

Ipinunto rin ni Lacson na binibigyan ng gobyerno ng pondo ang Human Rights Commission na kinakailangan upang magampanan ang kanilang trabaho.

Nakatitiyak si Lacson na hindi kailangan ng bansa ang pakikialam ng UNHRC sa gitna ng nangyayaring war on drugs.

“Obviously, we can manage without the intervention of the UNHRC,” sabi ni Lacson.

Nauna rito, nagbabala si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa 18 bansa kabilang ang Australia at United Kingdom na bumoto ng pabor sa resolusyon na humihikayat na imbestigahan ang war on drugs.

Sinabi ni Locsin na hindi tinatanggap ng Pilipinas ang nasabing resolusyon at hindi ito sasang-ayunan ng gobyerno.

Inilarawan din ni Locsin ang resolusyon na isang “politically partisan” at “one-sided” na masyado umanong malayo sa totoong nangyayari.

Show comments