Kasong kriminal vs Kapa isinampa sa DOJ

Bitbit ni Atty. Jose Aquino ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang mga dokumento sa kanyang pagsasampa ng kasong kriminal laban sa Kapa Ministry sa Department of Justice kahapon.
Edd Gumban

MANILA, Philippines — Pormal nang nag­sampa ng kaso sa De­part­ment of Justice (DoJ) ang Securities and Exchange Commission (SEC) laban sa mga opis­yal ng Kapa-Community Ministry International, Inc. (KAPA).

Nahaharap sa kasong paglabag sa Re­public Act 8799 o Securities Regulation Code (src) sina KAPA founder at president Joel A. Apolinario, trustee Margie A. Danao, corporate secretary Reyna L. Apolinario, Marisol M. Diaz, Adelfa Fernandico, Moises Mopia, Catherine Evangelista at Rene Catubigan.

Ayon sa SEC, marami pa silang sasampahan ng kaso dahil kasalukuyan pa nilang kinikilala ang ilan pang perso­nalidad na sangkot sa naturang scheme.

Lumalabas daw sa imbestigasyon ng SEC na hinihimok ng KAPA ang publiko na mag-donate ng P10,000 kapalit ng 30 percent monthly “blessing” o “love gift” for life.

Pinapangakuan daw ang mga magdo-donate na mag-invest kahit hindi na sila magtrabaho at maghintay na lamang sa kanilang payout.

Itinanggi na ng mga miyembro at opisyal ng Kapa Ministry ang alegasyon.

Una nang ipinawa­lang-bisa ng SEC ang certificate of registration ng Kapa at ma-secure ang higit sa P100-milyong mga asset nito sa pamamagitan ng asset freeze order na ipinalabas naman ng Court of Appeals (CA).

Show comments