Malaking plaka sa motorsiklo ‘di na itutuloy
MANILA, Philippines — Hindi na ipatutupad ang paglalagay ng malaking plaka sa harapang bahagi ng mga motorsiklo dahil posible itong magdulot ng panganib sa nagmamaneho.
Bagaman at tuloy ang pagpapatupad ng Republic Act 11235 o “Motorcycle Crime Prevention Act” bago mag-Hunyo 30, 2019, posibleng tanggalin sa bubuuing Implementing Rules and Regulations (IRR) ang paglalagay ng napakalaking metal plate sa unahan ng motorsiklo.
Sa ginawang konsultasyon ng Senado sa grupo ng motorcycle riders, mismong si LTO Chief Edgar Galvante ay aminado na delikado ang paglalagay ng malaking plaka dahil posible pa itong matanggal at lumipad.
Bukas naman si Galvante na gumamit na lang ng decal o RFID sa unahan ng motorsiklo kapalit ng metal plate.
Sinabi ni Sen. JV Ejercito na mas maganda ang RFID dahil magiging hi-tech na ang mga rider at madaling malalaman ang detalye ng isang motorsiklo kapag dumaraan sa checkpoint.
Sa bubuuing Implementing Rules and Regulations (IRR), puwede pa ring metal ang ilagay sa likod pero sa harap ay pagpipilian ang decal na sticker o RFID na mas ligtas sa riders.
Samantala, planong paamyendahan ni Ejercito ang multa sa mga may-ari ng motorsiklo na walang plate number o “readable plate number.
Masyado umanong malaki ang P50,000-P100,000 multa na posibleng magamit pa ng ilang tagapagpatupad ng batas para sila makikilan.
Ang nasabing halaga ay halos kasing presyo na raw ng isang motorsiklo.
- Latest