‘No ransom’ sa Abu Sayyaf - Palasyo

MANILA, Philippines — Nanindigan ang Ma­lacañang na mananatili ang “no ransom” policy sa binihag na Malaysian at 2 Indonesian ng Abu Sayyaf Group.

Tiniyak din ng Palas­yo na sinisikap ng gob­yerno na mapalaya ang mga bihag.

“We are doing our best to secure the release of hostages (one Malaysian and two Indonesians) from the evil hands of the Abu Sayyaf Group (ASG) but we stand firm on our no ransom policy,” pahayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo.

Ito’y matapos magbanta ang ASG na pupugutan nila ng ulo ang mga bihag nito kapag hindi nagbayad ng ransom kapalit ng kalayaan ng mga dayuhang ma­ngingisda.

Sa lumabas na vi­deo sa Facebook noong Peb­rero 14 ng isang nag­pakilalang Kim Hundin, isang bihag na Indonesian ng Abu na may nakatutok na patalim sa kanyang leeg ang nagmamakaawa kay Indonesian President Joko Widodo gayundin sa Indonesian negotiator na tulungan siyang mapalaya mula sa Abu Sayyaf.

Nakilala ang 2 Indonesian fishermen na sina Heri Ardiansyah, 19, at Hariadin, 45 habang ang Malaysian ay si Jari Abdulla, 24, na nakabase sa Sandakan.

Dinukot ang mga biktima habang nangi­ngisda sa Sabah waters malapit sa Tawi-Tawi noong Disyembre 5.

“To give in to the demands of terrorists and other lawless groups would embolden them to engage in more abductions that would allow them to conduct extremist and other criminal activities as they could buy more arms and weapons,” sabi ni Panelo.

Magugunita na iniutos ni Pangulong Duterte sa AFP na durugin ang ASG matapos ang twin blast sa Jolo cathedral kung saan ?21 katao ang nasawi.

Show comments