MANILA, Philippines — Ikulong ang mga magulang na mapapatunayang kinukunsinti ang kanilang mga underage na anak na malulong sa iligal na droga.
Pahayag ito ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino kasabay sa panukala ng Kongreso na ibaba ang minimum age sa criminal liability.
“Dapat talagang managot ang mga magulang at iyun ang dapat ikulong, iyung mga magulang na allowing these children to be involved in illegal drugs,” ani Aquino.
Nauna rito, noong nakaraang linggo ay nakaaresto ang mga pulis ng 12 menor edad na nagbebenta at gumagamit ng shabu sa mga drug den sa Navotas.
Ang mga naaresto ay mga batang edad lima hanggang 15-anyos.
Pawang estudyante rin ang mga ito ngunit umaming laging nag-a-absent sa eskwela sa tuwing puno ng mga kostumer ang mga drug den.
Ipinatawag umano ng PDEA ang mga magulang ng mga bata ngunit isa lamang sa mga ito ang tumalima at dumating.
Nitong Lunes, inaprubahan ng House justice committee ang panukalang nagpapababa sa edad ng mga batang may pananagutang kriminal sa siyam na taon mula 15-taon.
Sinabi pa ni Aquino na suportado niya ang panukala.