Drug war ni Digong gagayahin ng Sri Lanka

Nag-toast sina Pangulong Duterte at Sri Lankan Pres. Maithripala Sirisena sa inihandog na state banquet sa Malacañang para sa bumibisitang lider.
Russel Palma

MANILA, Philippines – Gagayahin ni Sri Lankan President Maithripala Sirisena ang war on drugs ni Pangulong Duterte.

Ito ang inihayag kamakalawa ng gabi ni President Sirisena sa inihandog na state banquet ni Pangulong Duterte sa Malacañang sa bumibisitang pangulo ng Sri Lanka.

“The war against crime and drugs carried out by you is an example to the whole world, and personally to me. Drug menace is rampant in my country and I feel that we should follow your footsteps to control this hazard,” wika ni Sirisena kay Pangulong Duterte.

Nagpasalamat din si Sirisena sa naging imbitasyon sa kanya ni Duterte para sa state visit kaya inimbitahan din niya ang Pangulo upang bumisita rin sa Sri Lanka.

Sinabi pa ni Sirisena na ito na ang ikaapat niyang pagpunta sa Pilipinas noong siya ay ministro pa ng agrikultura ng kanilang bansa.

Bilib na bilib din ang pangulo ng Sri Lanka sa pamamalakad ni Duterte dahil sa napaunlad na ekonomiya nito.

Nasa bansa si Sirisena para sa 5-araw na state visit sa Pilipinas mula Enero 15-19.

Show comments