Ibinasurang Bell chopper deal ginagapang sa DND

Ayon sa mga impormante, patuloy na kumikilos ang nasabing sindikato at bilang patunay anila, kamakailan ay nagdesis­yon ang DND at Philippine Air Force na “baguhin” ang komposisyon ng ‘Technical Working Group’(TWG) ng Phil. Air Force na siyang naatasan na pag-aralan ang mga alok na ‘combat utility helicopter’ (CUH) mula sa mga dayuhang supplier.
File

MANILA, Philippines — Isa umanong sindikato sa loob ng Department of National Defense (DND) ang patuloy na “hinahamon” si Pangulong Duterte sa plano nang grupo na “buhayin” ang nabasurang pagbili ng bansa ng ‘Bell 412 combat helicopter’ sa Canada.

Ayon sa mga impormante, patuloy na kumikilos ang nasabing sindikato at bilang patunay anila, kamakailan ay nagdesis­yon ang DND at Philippine Air Force na “baguhin” ang komposisyon ng ‘Technical Working Group’(TWG) ng Phil. Air Force na siyang naatasan na pag-aralan ang mga alok na ‘combat utility helicopter’ (CUH) mula sa mga dayuhang supplier.

Dagdag pa ng mga ito, binago umano ang komposisyon ng TWG upang tiyakin na sa Bell Helicopter pa rin ng Canada mapupunta ang nasabing kontrata, halos 7 buwan matapos itong ibasura ni Pangulong Duterte.

“Kung ‘umusok sa galit’ ang ating mahal na Pa­ngulo matapos maglagay ng ‘kondisyon’ si Canadian Prime Minister Justine Trudeau na hindi puwedeng gamitin sa ‘combat operation’ ang mga nasabing helicopter, ano kaya ang kanyang reaksyon kapag nabatid na ngayon naman, ‘ipapanukala’ ng sindikato na huwag lagyan ng ‘machine gun’ ang mga Bell helicopter at masahol pa, huwag lagyan ng ‘bullet proof’ na proteksyon naman ng mga piloto nito,” anang mga impormante.

Ang pagkakaroon ng machine gun at bullet proof sa mga bibilhing helicopter ay ilan sa mga utos ng Pangulo upang tiyakin ang kaligtasan ng mga sundalo at mga piloto na gagamit sa mga ito.

Noong Pebrero, ipina­basura ng Pangulo ang transaksyon sa Canada na nagkakahalaga ng higit P12 bilyon ($233 milyon) dahil sa nasabing kondis­yon ni Trudeau.

Sa ngayon, ilan sa mga alok na pinag-aaralan ng DND ay mga CUH helicopter mula sa Russia, Turkey, Italy, USA, France at South Korea.

Una nang nagbabala ang mga impormante sa anila’y ‘alternative plan’ ng sindikato sa DND na “ibenta” naman sa bansa ang mga ‘Surion’ helicopter mula sa South Korea kapalit ng Bell helicopter ng Canada.

Batay na rin sa mga lumabas na balita, isa ang ‘Surion’ sa mga may pinakamasamang rekord sa hanay ng mga CUH kung saan ilan na ring mga sundalo at piloto ng South Korea ang nagbuwis ng buhay matapos bumagsak ang mga ito.

Show comments