Senado sa gov’t: Bilhin ang ‘Storm Damaged Palay’
MANILA, Philippines — Nanawagan si Sen. Bam Aquino kay Pangulong Duterte na utusan ang National Food Authority (NFA) na bilhin ang tinatawag na Storm-Damaged Palay (SDP) mula sa mga magsasaka sa lugar na sinalanta ng Bagyong Ompong upang tulungan sila at kanilang pamilya na makabangon.
“Sana po tugunan ng Pangulo ang hinaing ng mga magsasaka at kanilang mga pamilya,” wika ni Sen. Bam, na tinutukoy ang mga magsasaka na nabigong anihin ang kanilang pananim bago ang paghagupit ng Bagyong Ompong.
“Utusan sana niya ang NFA na bilhin ang SDP. Tulungan natin ang mga kababayan nating magsasaka,” dagdag ni Bam.
Ayon sa senador, sa paraang ito, matutulungan ang mga magsasaka na mabawi ang kapital na ginamit sa pagbili ng binhi, pataba at iba pang gamit sa pagtatanim.
Sinabi ni Bam na hindi na bago sa NFA ang pagbili ng SDP dahil ginawa na ito ng ahensiya sa nakalipas na mga taon. Subalit ang presyo ay nakadepende sa kalidad, kabilang ang moisture content ng palay.
Maaaring gamitin ng pamahalaan ang President’s Social Fund o ang Calamity Fund, na parehong nasa pangangasiwa ng Office of the President, upang mapondohan ang pagkilos, ayon pa kay Sen. Bam.
- Latest