Tarpaulin ni Bong Go binaklas ng supporters

Sinabi ng isa sa mga naglagay ng tarpaulin ni SAP Go sa Candaba viaduct sa North Luzon Expressway na inalis nila ang ikinabit nilang billboard dahil nirerespeto nila ang kalihim sa panawagan nito.
Boy Santos

MANILA, Philippines — Sa kabila ng pagtugon ng ilang supporters ni Special Assistant to the President Christopher Bong Go na baklasan nila ang inilagay nilang mga tarpaulin, nanindigan ang ilan sa mga ito na patuloy nila itong susuportahan.

Sinabi ng isa sa mga naglagay ng tarpaulin ni SAP Go  sa Candaba viaduct  sa North Luzon Expressway na inalis nila ang ikinabit nilang billboard dahil nirerespeto nila ang kalihim sa panawagan nito.

Tiniyak din ni  Christine Yu na anuman ang personal funds na mayroon sila ay ibibigay na lang nila sa mahihirap tulad ng panawagan ni SAP Go.

Ipinaliwanag ni Yu na inilagay nila ang billboard kasi matagal na silang supporter ni Pangulong Rodrigo Duterte at naniniwala sila sa plataporma nito gayundin ang paniniwala nila sa kakayanan ni SAP Go.

Isa pang supporter nina Pangulong Duterte at Go ang  lumutang pero nakiusap na huwag nang pangalanan para ipaliwanag na nagpalagay siya ng mga  tarpaulin ng Kalihim sa EDSA  dahil gusto nilang ipakita ang suporta nila sa dalawang opisyal.

Nanindigan din itong personal niyang pera ang ginastos at naninindigan siyang karapatan niyang maghayag ng kanyang saloobin. Gayunman, bilang respeto sa pakiusap ni SAP Go ay tumugon siyang alisin ang mga ito.

Show comments