Utak sa Bote slay kinilala na

Kinilala ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang “utak” na si Christian Saquilabon, isang contractor ng mga proyekto ng gobyerno at mahigpit umanong karibal sa negosyo ng alkalde.

MANILA, Philippines — Pinangalanan na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ang mastermind sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Fernando Bote.

Kinilala ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde ang “utak” na si Christian Saquilabon, isang contractor ng mga proyekto ng gobyerno at mahigpit umanong karibal sa negosyo ng alkalde.

Ayon kay Albayalde, si Saquilabon ang iti­nuro ng mga suspek na sina Florencio Suarez at Robert Gumatay, na siya umanong nagbayad sa kanila para patayin si Mayor Bote.

Una nang naaresto sina Suarez at Gumatay sa isang checkpoint sa Camarines Sur noong Hulyo 11 habang ang isa na si Arnold Gamboa, isang arkitekto ay boluntaryong sumuko sa mga awtoridad.

Bukod kay Saquilaban, patuloy pa ring pinaghahanap ang isang Junjun Fajardo, isang spotter at dalawa pang John Does. 

Nabatid kay Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Amador Corpus, binayaran ni Saquilabon ng P25,000 ang mga salarin upang paslangin si Mayor Bote na karibal nito sa construction business ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Irrigation Administration (NIA) sa Nueva Ecija.

Pinakahuli sa proyekto ay ang P96 million Mina­lunga Tourism Conservation Park sa General Tinio na bagaman napagwagian ni Saquilabon ay hinaharang umano ng alkalde dahil sa nasasakupan ito ng kaniyang bayan.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Anti-Firearms and Ammunition Act) sina Suarez at Gumatay matapos makumpiskahan ng mga eksplosibo, baril at mga bala.

Nahaharap naman ang mga suspek sa kasong murder kaugnay ng planadong pagpatay kay Mayor Bote.

Show comments