Hirit ng 38 bansa sa Philippines ‘di kailangan – Palasyo

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kailangan ng gobyerno ng Pilipinas ang panawagan ng mga dayuhan.
Presidential Photo/Ace Morandante, File

MANILA, Philippines — Sinopla kahapon ng Malacañang ang inilabas na panawagan ng 38 bansa na kasapi ng United Nations Human Rights Council (UNHRC) sa Pilipinas na ipatigil ang mga pagpatay ng mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga at makipag-tulungan sa imbestigasyon ng international community.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kailangan ng gobyerno ng Pilipinas ang panawagan ng mga dayuhan.

Sinabi ni Roque na kahit walang ganyang panawagan ay ipinatutupad ang batas sa Pilipinas at tinitingnan din kung nasunod ang tamang proseso sa mga kaso ng napatay dahil sa iligal na droga.

Sa pahayag ng 38 bansa sa isinagawang 38th session ng UN Human Rights Council, hinikayat ang Pilipinas na gawin ang lahat ng paraan para matigil na ang mga pagpatay na may kaugnayan sa illegal drugs at makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon upang maparusahan ang mga nasa likod ng pagpatay.

Nag-aalala rin umano ang grupo dahil sa diumano’y panggigipit sa mga miyembro ng Commission on Human Rights, tagapag-tanggol ng karapatang pantao, at media.

Ang 38 bansa ay Australia, Austria, Belgium, Bul­garia, Canada, Croatia, Cyprus, Czech Republic, Den­mark, Estonia, Finland, France, Georgia, Germany, Greece, Iceland, Ireland, Italy, Latvia, Liechtenstein, Lithuania, Lu­xembourg, Malta, Macedonia, Montenegro, Netherlands, New Zealand, Poland, Portugal, Romania, Slovakia, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, Ukraine, United Kingdom at United States.

Show comments