FVR, 2 pulis at isang sekyu kinilala sa People Power anniversary

Tinanggap ni Ramos ang People Power Heroes Award para sa kanyang ginampanang papel sa EDSA Revolution noong 1986. The STAR/Romina Cabrera

MANILA, Philippines — Pinarangalan sina dating Pangulong Fidel V. Ramos, dalawang pulis, at isang yumaong security guard kasabay ng paggunita sa ika-32 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution ngayong Linggo.

Tinanggap ni Ramos ang People Power Heroes Award para sa kanyang ginampanang papel sa EDSA Revolution noong 1986 na nagpatalsik sa diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Pinamunuan ni Ramos, na dating Armed forces vice chief of staff sa ilalim ni Marcos, kasama si dating Defense Secretary Juan Ponce Enrile, ang pagbaliktad ng mga sundalo laban sa administrasyong Marcos.

Sa EDSA anniversary ngayong taon, pinangunahan muli ng dating pangulo ang taunang "Salubungan" o ang pagsasadula ng pagsasama ng militar at mga sibilyan sa nasabing rebolusyon.

Aniya, ang mapayapang paghihimagsik noon ay simula pa lamang ng traspormasyon sa bansa.

:The 1986 Edsa People Power Revolution was only the start of our transformation. That is not the end. As Professor Winnie Monsod said, we are just beginning. And the outcome, which is a better future for all Filipinos, must be done by its succeeding administrations," wika ni Ramos.

Samantala, kinilala naman sina Captain Michael Asistores bilang EDSA People Power Commission Awardee dahil sa ambag ng kanyang grupo sa pagtugis sa mga miyembro ng Maute nitong nakaraang taon.

Iginawad din ang parehong pagkilala kay PO3 Christopher Lalan, is sa mga nakaligtas sa Mamasapano clash na ikinamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force ng Philippine National Police sa Maguindanao noong 2015.

Tinanggap naman ng kaanak ng guwardiyang si Melvin Gaa ang posthumous na Spirit of EDSA Foundation and Good Citizenship Award matapos masawi habang inililigtas ang daan-daang tao mula sa nasusunog na mall sa Davao City nitong Disyembre.

Show comments