Bato sa mga kritiko ni Digong: Mag-kudeta kayo!

Minaliit ni Dela Rosa ang mga diumanong plano ng pagpapatalsik kay Duterte dahil aniya'y ibinoto ng karamihan ng mga Pilipino si Duterte at dahil siya'y nanatiling sikat. File photo

MANILA, Philippines — Hinamon ni Philippine National Police Director General Ronald “Bato” Dela Rosa nitong Sabado ang mga kritiko ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsimula ng kudeta.

Ngunit ani Dela Rosa, handa ang kapulisan sa mga diumanong plano ng destabilisasyon laban sa pangulo.

"You want a coup d’etat? Then let’s have a coup d’etat. Let’s have war," wika ni Dela Rosa.

"I'm challenging you. You want to bring down the Duterte administration? Over my dead body," dagdag niya.

Sa isang panayam sa alumni homecoming ng Philippine Military Academy sa Baguio City, minaliit ni Dela Rosa ang mga diumanong plano ng pagpapatalsik kay Duterte dahil aniya'y ibinoto ng karamihan ng mga Pilipino si Duterte at dahil siya'y nanatiling sikat.

Binalewala naman ng PNP chief ang mga sinasabi niyang pagkilos upang magsagawa ng kudeta at sinabing handa siyang depensahan ang pangulo mula sa mga may nais na umagaw sa kanyang puwesto.

Mainit si Duterte sa mata ng mga kritiko dahil sa umano'y extrajudicial killings at malawakang paglabag sa karapatang pantao kaugnay ng kampanya ng pamahalaan kontra ilegal na droga.

Sa pinakabagong tala ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mahigit 4,000 na ang napapatay ng mga pulis.

Sa kabilang banda, nilinaw naman ni Dela Rosa na walang utos ang pangulo na pumatay ng mga drug suspects. Pagpapatuloy niya, hindi maaaring ipapatay ng pangulo ang kanyang kapwa Pilipino.

"We are not hiding anything, they will discover during the investigation that there was no instruction from the president," ani ng hepe.

Handa naman ang PNP na humarap sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) hinggil sa umano'y pagpatay at pag-labag sa karapatang pantao dahil na rin sa nagpapatuloy na giyera kontra droga ng gobyerno.

Sa huli, binigyang-diin ni Dela Rosa na wala sa polisiya ng pamahalaan ang pumatay ng mga drug suspects maliban na lamang kung sila'y manlalaban.

Show comments