MANILA, Philippines — Siniguro ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na tuloy na tuloy ang eleksyon sa darating na 2019.
Ito ang pagtiyak ni Sec. Andanar, sa gitna ng inihahabol na timeline na matapos ngayong taong ito ang pagbalangkas sa porma ng Federalismo na nakaatang sa Consultative Committee.
Sabi ni Andanar, target na maihain ngayong 2018 sa Kamara ang bersiyong binubuo ng constitutional committee at mula duoy maisabay naman sa 2019 election ang plebisito tungkol sa Federalismo.
Sa kabilang banda’y pag-uusapan naman sa Kongreso, Senado at sa Executive branch kung sino ang mamumuno sa transition government sa sandaling lumusot na ang Federalismo.
Ayon pa kay Andanar, hindi rin nagbabago ang paninindigan ni Pangulong Duterte na kapag ito’y sa 2020, bababa ito sa poder ng kapangyarihan.
“Ang timeline ho talaga na alam ko ay iyong base sa timeline ng Kongreso. Ang gusto nila by this year ay ito ay ihain na nga diyan sa Lower House o pag-usapan na para itong botohan o iyong plebisito ay mangyari either ngayong barangay election or sa 2019. Now ang sigurado pong bilin ng ating mahal na Pangulo ay kailangan mabalangkas ito ng husto ng consultative committee o constitutional committee para ho iyong magiging porma ng federalism ng… version ng constitutional committee ay maisumite sa Kongreso na talagang buong buo na wala ng kuwestiyon at doon na lang sa Congress pag-usapan,” paliwanag pa ng PCOO chief.