Duterte bibiyahe sa India

MANILA, Philippines — Nakatakdang magtungo sa India si Pangulong Duterte sa susunod na linggo mula Enero 24 hanggang 26.

Dadalo ang Pangulo sa Republic Day celebrations ng nasabing bansa sa Enero 26 na dadaluhan din ng iba pang lider ng ASEAN.

Ang biyahe sa India ang unang foreign trip ng Pa­ngulo ngayong 2018 kung saan dadalo rin siya sa  ASEAN India Special Commemorative Summit sa Enero 25.

Ayon kay DFA Assistant Secretary Hellen dela Vega, naghihintay pa sila ng kumpirmasyon kung magkakaroon ng bilateral meeting sa pagitan ng Pangulo at Indian Prime Minister Narendra Modi.

Inaasahan namang mapag-uusapan sa meeting ng mga ASEAN leaders ang maritime cooperation at security kung saan magiging theme sa summit ang “Shared Values, Common Destiny.”

Samantala, sasamantalahin din umano ni Pangulong Duterte ang kanyang biyahe sa India para isulong ang interes ng Pilipinas sa murang gamot.

Kung maaalala, Nobyembre ng nakaraang taon nang banggitin ni Pangulong Duterte kay Indian PM Modi sa isinagawang ASEAN Summit sa bansa ang pagnanais ng Pilipinas na pumasok ang mga Indian investors sa pharmaceutical industry.

Sa nasabing pag-uusap ng dalawang lider, sinabi ng Pangulo na tiyak na mapapakinabangan ng maraming Pilipino kung sakali mang makapasok ang mga Indian pharmaceutical firms dahil kilala sila sa ibinebentang mga murang gamot.

Show comments