Leni nabahala sa taas-presyo ng bilihin sa Marawi

MANILA, Philippines — Naalarma si Vice President Leni Robredo sa pagsirit ng mga presyo ng bilihin sa Marawi City na lalo umanong nagpapahirap sa mga mamamayan doon na nagsisimula pa lang bumangon matapos ang nangyaring krisis.

Ayon sa Pangalawang Pangulo, sa kanyang pagbisita sa lungsod noong nakaraang linggo ay kapansin-pansin  ang paglobo ng presyo ng mga bilihin kabilang ang bigas na pumalo sa P100 kada kilo. Kaya hiling nito na magkaroon ng price monitoring council sa Marawi City na mahigpit na magbabantay sa presyo ng mga pangunahing bilihin.

“Nag-request tayo ng parang price monitoring council, pagpunta kasi namin doon, may mga nagbebenta ng bigas na 100 pesos per kilo. Talagang kahit may kaya sa buhay mahihirapan,” ani Robredo.

Nanawagan din si Robredo sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na mabigyan ng trabaho ang mga residente para sa pagsisimula ng kanilang pagbangon.

Aminado ang pangalawang pangulo na pagdalaw niya sa lungsod lalo na sa tinuring na Ground Zero ay nabigla siya nang makita ang malubhang pinsala ng lugar mula sa labanan sa pagitan ng tropa ng gobyerno at teroristang grupong Maute.

Ganunpaman ay natutuwa umano siya na buo pa rin ang loob ng mga residente at determinadong makabangon.

Show comments