MANILA, Philippines — Sugatan ang isang 48-anyos na lalaki matapos itong maipit ng pintuan ng Light Rail Transit (LRT) 1 hanggang sa makaladkad kamakalawa ng gabi sa Pasay City.
Ginagamot ngayon sa Adventist Medical Center ang biktimang si Julieto Eco, residente ng Tanza Cavite, sanhi ng tinamong mga sugat at galos sa mukha at ibat-ibang bahagi ng katawan.
Lumalabas sa report na natanggap ng Pasay City Police, naganap ang insidente alas-6:00 ng gabi sa kasagsagan ng rush hours sa LRT 1, Gil Puyat Avenue Station (dating Buendia Avenue) ng naturang siyudad.
Papasok ng trabaho ang biktima at nagmamadali ito, dahilan upang pumasok ito ng train na paalis na sana.
Naipit ng pintuan ng train ang kalahating katawan ng biktima na nasa platform at pag-andar ay nakaladkad ito.
Nakikipag-ugnayan na ang Pasay City Police sa pamunuan ng LRT-1 para sa isinasagawa nilang imbestigasyon.