Comelec gumastos na ng P600M sa paghahanda sa Bgy., SK polls

Umabot na sa P600 milyon ang nagastos ng Commission on Elections sa paghahanda para sa hindi matutuloy na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na idaraos sana sa susunod na buwan. File

MANILA, Philippines — Umabot na sa P600 milyon ang nagastos ng Commission on Elections sa paghahanda para sa hindi matutuloy na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na idaraos sana sa susunod na buwan.

Sa panayam bago magsimula ang budget hearing sa Senado, sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista na nasa P600 milyon na ang kanilang nagastos kasama ang pagpapa-imprenta ng nasa 26 milyong balota para sa Barangay elections at 1.6 milyong balota para sa SK.

Sinabi pa ni Bautista na pinag-aaralan na nila kung papaano magagamit ang mga naimprenta ng balota na may nakalagay na Oktubre 2017 upang hindi masayang.

Malamang anya na pagbotohan ng Comelec en banc kung ano ang dapat gawin sa mga balota upang hindi naman masayang ang ginamit na pondo.

Kabilang sa mga nakikitang solusyon ni Bautista ay ang paglalagay ng stickers sa mga naimprentang balota para maitama ang petsa sa eleksiyon sa Mayo 2018.

Ipinaliwanag pa ni Bautista na walang mga nakalagay na pangalan sa mga balota kaya maari pa itong magamit.

Samantala, agad ring inaprubahan ng Senate finance committee ang panukalang mahigit na P16 bilyong pondo ng Comelec para sa 2018.

Show comments