PNA employees sasalain

MANILA, Philippines - Tiniyak ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na muling sasalain ang mga empleyado ng Philippine News Agency (PNA) matapos ang sunod-sunod na kapalpakang kinasangkutan nito sa kanilang mga naipo-post na balita.

Sinabi ni Andanar na bukod sa re-screening at evaluation ay sasalang din sa retraining ang mga ito para mapabuti ang serbisyo upang hindi na malagay sa balag ng kahihiyan at kontrobersya ang government news agency.

Ayon kay Andanar, nakakalungkot na umabot pa hang­gang sa abroad ang training ng mga staff kaya naman aniya ay tututok dito ang binuo niyang Editorial Board.

Samantala, kinumpirma ni Andanar na patuloy ang imbestigasyon sa mga involved sa dalawang magkasunod na kapalpakan ng PNA saka idadaan sa proseso kung anong puwedeng ipataw na sanction sa mga ito.

Kinumpirma rin nito na sa kasalukuyan ay nasa P65 million ang budget sa suweldo ng mga empleyado ng PNA na aabot sa 52 regular employees at 29 mga OCS  habang nasa P14 million ang operational expenses samantalang zero capital outlay.

Determinado si Andanar na pagandahin ang serbis­yo ng PNA dahil marami ang umaasa ng mga updates at balita rito hinggil sa gobyerno.

Show comments