Overcharging ng Grab, taxi drivers binira

Sumailalim sa PUV Drivers Academy seminar sa LTFRB office ang mga bus driver para mas mahasa sila sa mga basic road safety, driving courtesy at traffic rules and regulations sa layuning makaiwas sa mga aksidente sa kalye at makabawas sa problema sa trapiko. (Michael Varcas)

MANILA, Philippines -  Binatikos kahapon ni Puwersa ng Bayaning Atleta (PBA) Partylist Rep. Jericho Nograles ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa kawalan ng aksyon sa pagtanggi ng mga taxi drivers na magsakay ng mga pasahero at over charging o extra tips na singil ng Grab.

Sinabi ni Nograles na sinamantala ng Grab at mga taxi drivers ang isang buwang suspensiyon na ipinataw ng LTFRB laban sa Uber para maningil ng sobrang mahal.

Ayon sa kongresista, nitong Biyernes ng umaga ay nagdesisyon siyang gumamit ng Grab patungong airport pero tatlong beses siyang tinanggihan habang dalawang Grab drivers naman ang kinansela ang kaniyang booking bago pa siya nakakuha ng isang maghahatid sa kaniya sa destinasyon.

“This to me is a clear case of passenger refusal which is considered a violation  by the LTFRB. They’ve been talking tough about imposing severe punishments against taxi drivers who refuse passengers but what about those who do the same through our ride-hailing applications? Mas high-tech lang sa Grab pero di ba pareho lang na passenger refusal yan?” ani Nograles.?

Sinabi ni Nograles na dahil matagal siyang i-pickup ng Grab car ay nagdesisyon siyang ikansela na ang kaniyang booking at gumamit na lamang ng regular na taxi patungong airport pero nagulat siya dahil na-charge pa rin siya sa kaniyang credit card ng P318.00 bayad sa nakanselang booking.?

Aniya, naniningil na rin ngayon ng triple ang Grab dahil suspendido ang kakumpetensya nilang Uber at hindi man lamang umano ito kinokontrol ng LTFRB.

“There are times when Grab would charge as much as P800 just for a 20-kilometer ride because of the surge. This is already hold-up. This is no different from a taxi driver who would demand an extra on top of their meter fare. I don’t know if LTFRB even knows this is considered as overcharging,” giit niya.

Kabilang ang mga isyu ng pagtanggi sa mga pasahero at biglang pagtataas ng singil ang tatalakayin sa kaniyang panukalang House Bill 6009 na nagtatakda ng legal na panun­tunan sa operasyon ng Transport Network Companies (TNCs) tulad ng Grab at Uber.

Show comments