Driver itinumba ng nakaalitan

MANILA, Philippines - Patay ang 52-anyos na pedicab driver matapos itong barilin ng mister na nakaalitan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Napuruhan sa ulo at binawian ng buhay habang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang biktimang si Basil Gelito ng #10 Carlos P. Garcia Street sa Tondo.

Tinutugis naman ng pulisya ang suspek na si Ali “Tata” Tostanilla ng nasabi ring lugar.

Sa ulat ni PO3 Jeffrey Laus ng Manila Police District-Homicide Section, dakong alas-6:30 ng gabi nang maganap ang krimen sa bisinidad ng Camachile Street sa panulukan ng CP Garcia Street.

Sinamantala umano ng suspek na nakatalikod ang biktima na may binibili sa tindahan nang lapitan at paputukan sa ulo.

Isinugod naman ng ka-live-in partner na si Rose Mary Dino ang biktima sa pagamutan subalit namatay din.

Pinaniniwalaang gantihan ang isa sa motibo dahil may matagal nang alitan ang dalawa na nag-ugat sa pag-aaway ng biktima at kinakasama ng suspek.

 

Show comments