MANILA, Philippines - Sasalubungin ng transport holiday o malawakang tigil pasada ang pagsisimula ng pasukan ng mga mag-aaral sa Hunyo.
Ito ayon kay Atty. Vigor Mendoza, chairman ng Kilusan sa Pagbabago sa Industriya ng Transportasyon (KAPIT), ay kung aaprubahan ng Kongreso ang panukalang batas na itaas ng P6.00 ang excise tax sa mga produktong petrolyo tulad ng diesel at gasolina.
Oras anyang aprubahan at ipatupad ang excise tax sa petroleum products, tataas ang halaga ng diesel at gasolina na gamit ng mga pampasaherong sasakyan.
Pag nangyari ito, mapipilitan silang hingin ang taas na P10.00 minimum fare sa passenger jeepneys sa buong bansa. Sa ngayon ay P8.00 ang minimum na pasahe sa jeep.
Sinabi ni Mendoza na sa ngayon, ang mga lider ng malalaking transport group mula sa Metro Manila gayundin sa ibang lugar sa Luzon, Visayas at Mindanao ay naghahanda na sa pinaka malaki at pinakamalawak na transport holiday para tutulan ang naturang dagdag buwis.
Kasama rin sa tigil pasada ang mga bus, trucks, vans at tricycle na apektado ng excise tax.
Binigyang diin nito, na dapat munang magsagawa ng public consultation ang pamahalaan hinggil sa excise tax upang malaman ang argumento dito ng maliliit na mamamayan gayundin ng mga operator at driver ng mga pampasaherong sasakyan.