Pemberton pinalilipat sa Bilibid

MANILA, Philippines -  Umapela ang grupo ng kababaihan sa gobyerno na ilipat na sa Munti o New Bilibid Prisons (NBP) si Lance Corporal Joseph Scott Pemberton mula sa piitan niya sa loob ng Camp Aguinaldo.

Ayon kay Gabriela partylist Reps. Emmi de Jesus at Arlene Brosas, napapanahon na para ilipat sa tamang kulungan si Pemberton ngayong pinagtibay ng Court of Appeals (CA) ang hatol sa kanya ng mababang korte dahil sa pagpatay sa transgender na si Jeffrey Laude.

Iginiit ng mga kongresista na kailangan na ipataw kay Pemberton ang parusang itinatakda ng batas para sa kanyang krimeng ginawa.

Idinagdag pa nina de Jesus at Brosas, na sa umpisa pa lamang ay special treatment na ang ibinigay ng gobyerno kay Pemberton.

Samantala, nangangamba naman si Kabayan Rep. Harry Roque sa posibilidad na makalaya si Pemberton sa darating na Hulyo o kapag naka-3 taon na siya sa kulungan dahil sa good conduct o mabuting asal sa piitan.

Habang naka-enrol din ang sundalong Amerikano sa distance learning program.

Umaasa naman si Roque na manghihimasok si Pa­ngulong Duterte para lubos na mapagbayaran ni Pemberton ang pagkakasala niya sa batas.

Show comments