P9B tax evasion vs Mighty Corp.

MANILA, Philippines -  Sinampahan na ng P9.56 billion tax evasion ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Mighty Corporation sa Department of Justice (DOJ).

Kasama rin sa mga sinampahan ng reklamo ang presidente ng kompanya na si retired Lt. Gen. Ediberto Adan, Executive Vice President retired Judge Oscar Barrientos, Vice President for External Affairs at assistant Corporate Sec. Alexander Wongchuking, at ang treasurer na si Ernesto Victa.

Ang kaso ay may kaugnayan sa paglabag ng Mighty Corporation sa Sections 263 at 265 (c) ng National Internal Revenue Code of 1997 dahil sa pamemeke ng internal revenue stamps at ang hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Nakatakda namang magsagawa ang DOJ ng preliminary investigation sa reklamo ng BIR para malaman kung may pananagutan sa batas ang mga opisyal ng kompanya.

Kamakailan lang ay pumayag na ang Mighty Corp. na magbayad ng P3 billion na multa dahil sa isyu na hindi pagbabayad ng buwis para magpatuloy lamang ang kanilang operasyon sa bansa.

Nakahanda rin daw silang sumunod sa alituntunin ng pamahalaan para maging ligal na ang kanilang operasyon.

Kung maaalala, nakatakda nang sampahan ng kasong economic sabotage at pamemeke ng cigarette tax stamp ang Mighty pero inalok ni Pangulong Duterte ng kompromiso para hindi na ituloy ang mga kasong kinakaharap nito.

Ayon kay Pangulong Duterte, gagamitin ang P3 billion para magpatayo ng ospital sa Tawi-Tawi, Sulu gayundin sa Basilan at pag-upgrade ng mga kagamitan ng Mary Johnston Hospital sa Tondo, Maynila.

Show comments