E-power kay Duterte ibinasura

MANILA, Philippines - Walang ibibigay na emergency power ang Kamara kay Pangulong Rodrigo Duterte para masolusyunan ang luma­lalang trapiko sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao. 

Ito ang nakasaad sa inaprubahang Traffic Crisis Act ng House Committee on Transportation na pinangungunahan ni Rep. Cesar Sarmiento. 

Sa halip na ibigay ang emergency power sa Pangulo ay itatalaga na lamang ang kalihim ng Department of Transportation (Dotr) bilang traffic czar.

Tungkulin din ng traffic czar na gumawa ng Traffic Management plan na ipatutupad sa lahat ng lungsod sa Metro Manila, Metro Cebu at Metro Davao sa loob ng 90 araw para i-harmonize ang traffic rules ng Local Government Units (LGUs).

Habang ang procurement para sa mga proyektong may kaugnayan sa traffic ay maaaring idaan na sa negotiated contract dahil ikinokonsidera na “emergency” ang problema sa traffic.

Nakasaad din sa ina­prubahang traffic crisis act na magtatag naman ng special court na hahawak ng mga kasong may kaugnayan sa traffic projects.

Ang special court lamang na ito at ang Supreme Court ang may kapangyarihan na mag-isyu ng Temporary Restraining Orde (TRO) sa Traffic Projects at bawal na ang mga Regional Trial Court (RTC) na maglabas ng ganitong TRO.

Kaugnay nito, inaasahang mabibigyan ng dagdag tauhan ang Metro Manila Development Authority (MMDA) para mas mapalakas ang presensya nito sa mga lansangan.

Show comments