LP pinakakalas sa alyansa sa PDP-Laban

MANILA, Philippines - Pinakakalas na ni Albay Rep. Edcel Lagman sa administrasyong Duterte ang Liberal Party (LP) matapos ang pagbibitiw ni Vice Pres. Leni Robredo sa gabinete.

Sinabi ni Lagman na tama lamang ang ginawa ni Robredo dahil ito ang pinakamatinong kailangang gawin ng isang opisyal na may respeto sa sarili para hindi makaranas pa ng pambabastos sa kanyang pagkatao at posisyon.

Ayon sa kongresista, kabastusan umano ang ginawa ni Pangulong Duterte kay Robredo nang pasabihan na lamang ito na huwag nang dumalo sa cabinet meeting.

Bukod dito, kahit noon pa man ay nakatikim na ang bise presidente ng pambabastos mula kay Duterte sa cabinet meeting man at sa mga pampublikong okasyon.

Malaking insulto din umano kay Robredo ang lantarang pagpabor ng pangulo kay dating Senador Bongbong Marcos para maging Bise Presidente.

Dahilan sa ganitong pagtrato kay Robredo na isa sa pinakamataas na opisyal ng LP, wala umanong dapat na gawin ang kanilang partido kundi umalis na sa Alyansa sa PDP-Laban.

Ang mga LP congressmen na nasa super majority ay kailangan na umanong kumalas at sumapi sa lehitimong oposisyon sa kongreso.

Nabatid na mayroon pang 34 kongresista at limang Senador na nasa LP.

Show comments