Digong pupugutan namin ng ulo! - Maute

Buong ngitngit na nagbanta ang Maute terror group na pupugutan ng ulo si Pa­ngulong Rodrigo Duterte at ang mga sundalo kaugnay ng opensiba ng tropa ng militar sa Butig, Lanao del Sur. AP/Bullit Marquez, File

MANILA, Philippines - Buong ngitngit na nagbanta ang Maute terror group na pupugutan ng ulo si Pa­ngulong Rodrigo Duterte at ang mga sundalo kaugnay ng opensiba ng tropa ng militar sa Butig, Lanao del Sur.  

Ito ang nabatid base sa iniwang kalatas ng mga nagsitakas na miyembro at opis­yal ng Maute terror group na umukopa sa abandonadong munisipyo at mga gusali sa kabisera ng bayan ng Butig.

“Humanda kayong mga sondaro/popogotan namen kayo ng mga olo (Humanda kayong mga sundalo pupugutan namin kayo ng ulo )”, pagbabanta ng Maute terror group matapos na mabawi na ng tropa ng militar ang 100% ng mga inokupang gusali sa kabayanan ng Butig kung saan ang sentro ng bakbakan ay nasa palibot na lamang ng nasabing munisipalidad.

“Tagot/homanda ka Du­terte popotan namen ikaw nang olo (Lagot/humanda ka Duterte pupugutan na­ming ikaw ng ulo)”, ayon pa sa Maute terror group.

Ang nasabing pagbabanta ay isinulat sa chalk sa mga dingding ng mga inokupang gusali ng Maute na nabawi ng tropa ng militar bago ang mga ito nagsitakas.

Bilang reaksyon, ipinagkibit balikat lamang ng mga opisyal ng militar ang pagbabanta ng Maute terror group sa pagsasabing hindi ang mga ito makakalapit kay Pa­ngulong Duterte bunga na rin ng mahigpit na seguridad na ipinatutupad ng Presidential Security Group (PSG).

“It’s just a propaganda of the Maute group, the President is well secured, and they don’t have the capability to do it “, pahayag ni Col. Benjie Hao, Spokesman ng Philippine Army na ang tropa ay nasa frontline sa pakikipagsagupa sa Maute terror group.

“We are always ready to fight them, we will not be coyed by their threat, we will do our mission to protect the civilian, to hunt and fi­nish them off,“ matapang na pahayag pa ni Hao.

Show comments