‘Lawin’ lalakas pa bago bayuhin ang Cagayan sa Huwebes

MANILA, Philippines – Nagbabala ang state weather bureau ngayong Martes sa paglakas pa ng bagyong “Lawin” na may international name na “Haima.”

Sinabi ng PAGASA na lalakas pa si Lawin bago ang pag-landfall nito sa Cagayan sa Huwebes ng umaga.

Huling namataan ang pang-12 bagyo ngayong taon sa 950 kilometro silangan ng Daet, Camarines Norte kaninang alas-10 ng umaga.

Taglay ni Lawin ang lakas na 185 kilometers per hour (kph) at bugsong aabot sa 230 kph.

Nakataas ang public storm warning signal number 1 sa mga sumusunod na lugar:

  • Cagayan kabilang ang Calayan group of islands
  • Apayao
  • Kalinga
  • Mt. Province
  • Ifugao
  • Isabela
  • Quirino
  • Nueva Vizcaya
  • Northern Aurora
  • Polillo Islands
  • Catanduanes

Sa paggalaw pakanluran hilaga-kanluran sa bilis na 25 kph ni Lawin ay inaasahang nasa 540 kilometro silangan ito ng Baler, Aurora bukas bago daanan ang Cagayan, Apayao at Ilocos Norte.

Tinatayang sa Biyernes lalabas ng Philippine area of responsibility ang bagyo.

 

Show comments