Matobato nasa custody na muli ni Trillanes

MANILA, Philippines - Pinalaya pansaman­tala kahapon matapos na magpiyansa si Edgar Matobato, ang self-confessed assassin na ginawang testigo ng Senado sa extra judicial killings.

Kinumpirma ni Sen. Antonio Trillanes IV na ang tanggapan na niya ang nagbibigay ng protective custody kay Matobato, na dati umanong mi­yembro ng Davao Death Squad.

Sinabi ng senador na nakapaglagak na ng P30,000 piyansa si Matobato sa Quezon City Regional Trial Court sa pamamagitan ng kanyang abogado na si Atty. Jude Sabio kaya na-release na rin ito mula sa Custodial Center ng Camp Crame.

Si Matobato ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearms sa RTC 97 ng Quezon City na nangyari noong 2014 matapos itong makumpiskahan ng cal. 45 pistol sa Davao.

Isinuko ni Trillanes si Matobato sa PNP matapos magpalabas ng warrant of arrest ang isang korte sa Davao City matapos mabigo si Matobato na makadalo sa arraignment ng kasong kidnapping na isinampa laban sa kanya ilang taon na ang nakakaraan.

Show comments