Sa pagkakasangkot sa droga... Espino pinagle-leave sa Kamara

Si 5th Dsitrict Rep. Amado Espino Jr. ay idinadawit  sa operasyon ng ilegal na droga, batay sa matrix na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte. CESAR RAMIREZ

MANILA, Philippines – Pinayuhan ng isang lider ng Kamara si Panga­sinan 5th Dsitrict Rep. Amado Espino Jr. na mag-leave muna sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Paliwanag ni House Deputy Speaker Fredenil Castro, ang pagle-leave na ang pinakamagandang dapat gawin ni Espino upang maklaro niya ang kanyang pangalan.

Si Espino ay idinadawit  sa operasyon ng ilegal na droga, batay sa matrix na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay Castro, sa­kaling mag-leave si Espino ay maaaring magtalaga ang House Speaker ng caretaker para sa ika-5 distrito ng Pangasinan.

Maaari rin naman uma­nong magsilbing caretaker ang isang kongresista na malapit sa distrito ni Espino.

Sa oras na malinis na ni Espino ang kanyang pangalan at mapatunayan sa constituents at publiko na wala siyang ginawang mali, sinabi ni Castro na maaari nang bumalik ang kongresista sa trabaho nito sa Kamara.

Noong nakalipas na linggo, sinabi ni Espino na handa siyang sumailalim sa imbestigasyon at humingi pa ng tulong kay House Speaker Pantaleon Alvarez upang personal na makausap ang Presidente at madepensahan ang sarili.

Show comments