24-oras hotline sa DPWH inilunsad

MANILA, Philippines - Para epektibong matanggap ang mga reklamo o suhestiyon sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH), inilunsad ni Secretary Mark Villar ang kanilang 24-oras na hotline.

Sa budget briefing ng minority sa Kamara, sinabi ni Villar na ang mga proyekto ng DPWH ay proyekto ng mga Filipino kaya hinihingi nito ang tulong ng taumbayan para masi­gurong naipapatupad ito ng maayos at may kalidad.

“It has been almost a month since I assumed office. As promised, we now have a 24/7 hotline (165-02) available to hear your feedback on how our agency can improve its policies, programmes, activities and projects,”ayon sa kalihim.

Isa lamang umano ito sa mekanismo na kanyang ilalagay upang masiguro ang transparency ng operasyon ng kanilang departamento.

Ito ay bilang pagsunod na rin sa kautusan ni Pangulong Duterte para maalis ang korapsyon at maging accessible sa taumbayan ang anumang impormasyon sa kagawaran.

Nagbabala naman si Villar laban sa mga posibleng prank callers o manloloko na tatawag dahil hindi umano nila ito papayagan.

Maliban sa 24/7 se­cretary hotline na 165-02, maaari ding mag-text ang taumbayan sa kanilang mga feedback sa 2920.

Show comments