MANILA, Philippines - Apat na posisyon sa gobyerno ang inaalok ni presumptive President Rodrigo Duterte sa Communist Party of the Philippines (CPP).
Ang mga posisyon ay ang Department of Agrarian Reform (DAR), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Labor and Employment (DOLE) o Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Duterte, ito lamang ang mga posisyon na puwede niyang ialok sa CPP sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Siniguro din ni Duterte na hindi uubra ang palakasan sa kanyang administrasyon lalo ang mga naghahanap ng mga ‘padrino’ para mabigyan sila ng magandang puwesto o mataas ang kanilang ranggo.
Idinagdag pa ng presumptive President Duterte, inialok na niya sa kanyang San Beda Law classmate na si Arthur Tugade bilang kalihim ng Department of Transportation and Communications (DOTC), inalok din niya sa kanyang Law classmate na si Perfecto Yasay ang pagiging acting secretary ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Tatlo naman ang pinagpipilian ni Duterte na susunod na chief ng Philippine National Police (PNP) sa pagitan nina Chief Superintendents Ramon Apolinario, Ronald dela Rosa at Rene Aspera.