MANILA, Philippines – Nananatiling pasok pa rin si dating Justice Secretary Leila de Lima sa Magic 12 sa mga naglabasang iba’t ibang surveys.
Bagama’t nasa buntot si de Lima sa karerahan, naniniwala pa rin ito na hindi na siya matitinag at baka umangat pa siya ng pwesto dahil na rin sa puspusang pangangampanya nito at pag-endorso na rin ng mga naglalakihang grupo.
Huling nag-endorso kay de Lima ay ng grupong El Shaddai ni Bro. Mike Velarde at inaasahang ihahayag ito sa pagtitipon nila.
Sumuporta din ang mga religiou groups na kinabibilangan ng Ang Dating Daan ni Bro. Eli Soriano, Kingdom of Jesus Christ’s Pastor Apollo Quiboloy, Pentecostal Missionary Church of Christ’s Apostol Artemio Ferriol, Apu Dolores Banal A Sacrificio, Bishop Calampiano Almario Apostolic Catholic Church (National Shrine of Ina Poon Bato), Benny Abante of Biblemode, at Pastor Jun Bautista of the Adventists Church
Nauna ng inihayag ni de Lima na buo ang tiwala niya sa pamunuan ng Iglesia ni Cristo (INC) na hindi ito gagawa ng hakbang na ikakasira ng kanyang pangangampanya kahit na batid naman ng lahat na minsan na silang nagkabanggaan ng sekta.
Nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ni de Lima at INC pero naayos naman ito matapos ang isang dayalogo.
Sinabi pa ni de Lima na respetado niya ang desisyon ng INC at wala naman siyang sama ng loob dahil may pamantayan naman ang sekta sa pagpilli ng mga kandidato.