Duterte kinasuhan ng plunder ni Trillanes

MANILA, Philippines - Kinasuhan kahapon ng plunder ni Sen. Antonio Trillanes si Presidential candidate at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.

Sa kanyang pagharap sa press conference sa Magdalo Headquarters sa Quezon City ay ipinakita ni Trillanes ang kopya ng plunder complaint na isinampa niya laban kay Duterte kahapon ng umaga sa tanggapan ng Ombudsman na may kinalaman sa mahigit 11,000  ghost employees ng Davao City Hall mula nang maupo bilang Alkalde si Duterte.

Sa complaint sheet ni Trillanes, inilahad nitong ginagastusan ng P708 million na pondo ng Davao City kada taon ang mga ghost employees simula noong taong 2006 kung saan nahalal bilang Mayor si Duterte sa Davao.

Anya, nakakuha sila ng dokumento muna sa  Commission on Audit na non-existent o hindi tunay na tao ang karamihan sa naturang mga individual na ipinalabas na empleyado ng Davao.

Kung susumahin anya ay aabot sa P2.4 billion ang unexplained wealth ni Duterte.

Nababahala naman si Trillanes sa posibilidad na mabuwag ang mga Democratic institutions sa bansa dahil sa hayagang ugnayan ni Duterte kay Joma Sison ang Chairman ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front.

Show comments