MANILA, Philippines – Sinabi ni UNA standard-bearer Vice President Jejomar Binay na nanganganib ang seguridad ng mga overseas Filipino workers dahil sa ‘rape joke’ ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ayon kay Binay, naging headline news sa buong mundo ang kabastusan ni Duterte nang gawin niyang katatawanan ang rape at murder ng Australian missionary na si Jacqueline Hamill. Nagalit ang buong mundo sa kanyang paglapastangan sa alaala ni Ms. Hamill, ang kanyang kawalan ng respeto sa kababaihan, at ang kanyang pabago-bagong pahayag na patunay na walang sinseridad ang paumanhin na inilabas ng kanyang kampo.
Ikinalungkot din ni Binay na narinig at ikinagalit din ng buong mundo ang tawanan ng mga tagahanga ni Duterte sa kanyang joke na dapat ay nauna siya sa panggagahasa kay Hamill.
Sa tingin ng mga taga-ibang bansa, tanggap ng mga Pilipino ang mga pang-aabuso sa kababaihan, dahil sa inasal ni Duterte at ng kanyang mga supporters.
Dahil umano sa negatibong report, maaaring isipin sa ibang bansa na ang ating kalalakihan ay walang respeto sa babae, at ang ating kababaihan ay walang respeto sa sarili.
Maaari ring isipin ng mga taga-ibang bansa na ang kanilang kababaihan ay nanganganib na gahasain ng mga lalaking OFW, at ang ating kababaihang OFW ay pwedeng gahasain.