MANILA, Philippines – Kinondena ng Kilusan Kontra Katiwalian at Kabulukan (4K) ang pangakong lideratong “kamay na bakal” ni presidential bet Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte na ang kandidatura ay suportado ng Communist Party of the Philippines-New Peoples Army (CPP-NPA).
Ayon kay 4K secretary general Rodel Pineda, hindi dapat ipagkatiwala ng taumbayan kay Duterte ang ating demokrasya lalo’t siya umano ang “utak” ng Davao Death Squad (DDS) na ang nililikida lamang ay ang maliliit at inosenteng kriminal, pati ang mga kabataan.
“Hindi ba nagtataka ang sambayanan na pulos pipitsugin lamang ang napapatay ng DDS at walang malaking drug lords?” tanong ni Pineda. “Bakit walang ginalaw ang DDS na big fish lalo ang ilang senador na sangkot sa narco politics? Dahil ba kakampi niya ang mga ito at may alam siya sa drug trafficking sa Visayas at Mindanao?”
Nagparatang pa ang 4K na sa laki ng ginagastos ni Duterte lalo sa media at social media operations nito ay tumanggap siya ng campaign fund sa Macau Chinese triad dahil batid naman umano ng lahat na wala siyang pagkukunan ng pondo kaya bantulot tumakbo sa simula ng halalan.
“Hindi lamang berdugo si Duterte kung totoong inamin niya na mahigit 1,700 katao na ang napatay ng DDS niya sa buong Davao na mas mataas pa sa pagtataya ng Amnesty International na 700 katao,” dagdag ni Pineda. “Barbaro ang kanyang pamamaraan kaya tiyak na mauulit sa Pilipinas ang nangyari sa Cambodia nang pagharian ito ng komunistang Khmer Rouge na mahigit dalawang milyon katao ang biktima ng genocide o maramihang pagmasaker mula 1976 hanggang 1979 lamang,” dagdag ni Pineda.