MANILA, Philippines – Muling naglabas ng hold departure order (HDO) ang Sandiganbayan laban kay Sen. Joseph Victor "JV" Ejercito ngayong Martes.
Pinahaharang ng Sixth Division ng anti-graft court ang paglabas sa bansa ni Ejercito at ng iba pang dawi sa kasong technical malversation kaugnay ng maanomalyang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Sangkot din sa kaso ang mga dating opisyal ng lungsod ng San Juan na sina dating Vice Mayor Leonardo Celles, dating City Councilors Andoni Carballo, Vincent Pacheco, Angelino Mendoza, Dante Santiago, Rolando Bernardo, Grace Pardines, Domingo Sese, Francis Peralta, Edgardo Soriano, Janna Ejercito-Surla, Franciso Zamora, Ramon Nakpil at Joseph Torralba.
Kahapon ay naunang naglabas ng HDO ang Fifth Division para sa kaparehong kaso na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Nag-ugat ang kaso sa pagbili umano ng lokal na pamahalaan ng San Juan ng high-powered na mga armas noong 2008, kung saan si Ejercito pa ang nakaupong alkalde.
Ayon sa Ombudsman ay binili ang mga armas kahit walang naganap an public bidding, post qualification at appropriation.
Sinabi ni Ejercito na may kinalaman sa politika ang pagsasampa ng kaso laban sa kaniya.
“My lawyer and I are preparing the next steps to resolve this case, which is clearly politically motivated related to the local fight in San Juan," pahayag ni Ejercito.