Endorso ni Erap kay Poe wa epek kay Mar

Sinabi ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa mga reporter kahapon, nakuha ni Sen. Grace Poe ang suporta ni Manila Mayor Erap Estrada hindi dahil sa kanyang qualifications kundi dahil sa pagiging anak lamang ng yumaong actor na si Fernando Poe Jr. na best friend ni Erap. AP/Kin Cheung, file

NAKAR, Quezon, Philippines – Minaliit ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas ang pag-eendorso ni Manila Mayor Erap Estrada sa kandidatura ni Sen. Grace Poe ng Partido Galing at Puso.

Sinabi ni Roxas sa mga reporter kahapon, nakuha ni Poe ang suporta ni Erap hindi dahil sa kanyang qualifications kundi dahil sa pagiging anak lamang ng yumaong actor na si Fernando Poe Jr. na best friend ni Erap.

“Tingnan natin siguro, inindorso niya si Senadora Grace dahil anak siya ng kanyang kumpadreng si FPJ. Ang sinabi naman niya tungkol sa ‘kin, pinakamahusay, pinakamagaling na Cabinet member o isa sa pinakamahusay, isa sa pinakamagaling,” wika ni Roxas ng ilarawan siya ni Erap ng bumisita siya noon sa Manila City Hall.

“Ang tinatakbo namin ay pagka-Pangulo. Ano ba ang katangian na hinahanap natin sa pagka-Pangulo, yung nakalikha ng trabaho or dahil lamang anak ng kanyang kumpadre? So para sa ating mga kababayan na lang yun,” dagdag pa ni Roxas.

Magugunita na inendorso ni Erap kamakalawa ng gabi si Poe bilang kanyang susuportahang presidential candidate sa Liwasang Bonifacio habang si Mar ay inendorso mismo ni Pangulong Aquino sa Plaza Miranda.

“Ang aking kandidato bilang pangulo ay isang magiting na tao tulad ng kanyang ama. Siya ay mahal ko rin at bahagi ng aking buhay. Kapwa kami naging artista ng tatay niya,” wika ni Erap ng ipakilala sa Manileno si Poe.

Show comments