Si Deguito ang gumawa ng paraan para ilabas ang pera sa bangko – Wong

Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) branch manager Maia Santos-Deguito. Senate PRIB/Alex Neuva Espana

MANILA, Philippines — Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng senado sa money laundering, isiniwalat ni Chinese businessman Kim Wong (Kam Sin Wong) na si nasipang Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) branch manager Maia Santos-Deguito ang nagbukas ng mga kahina-hinalang bank accounts.

Sinabi ni Wong na may inirekomenda siyang foreigner kay Deguito na nais magbukas ng account sa RCBC.

"Isang foreigner lang ang ni-refer ko kay Maia. Mayroon po akong pangalan at litrato po," pahayag ni Wong na itinago pa ang pagkakakilanlan ngunit napilit din ni Sen. Juan Ponce Enrile na pangalanan ito.

Nakilala ang dayuhang si Sua Hua Gao na nais magbukas ng dollar account ngunit pinayuhan umano ni Deguito na magbukas na lamang ng corporate account na nangangailangan ng limang tao.

"Si Maia ang gumawa ng paraan para mailabas ang pera sa bangko," dagdag ni Wong.

Hindi dumalo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee si Deguito  ngunit mula nang maipit sa isyu ay iginiit na wala siyang kinalaman sa money laundering.

Itinuturo ni Deguito ang isang negosyanteng si William Go na may ari ng account na pinasukan ng ninakaw na pera at siya mismo umano ang naglabas nito.

Pinabulaanan din ito ni Go at sinabing pineke ang kaniyang mga pirma para makapagbukas ng account at makapag-withdraw sa RCBC Jupiter branch.

Sinabi naman ni Bank officer Romualdo Agarrado na nakita niya ang pagkuha ng pera sa account ni Go noong Pebrero 5 at inilagay ito sa sasakyan ni Deguito.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng senado.

 

Show comments