PNP high alert sa Semana
MANILA, Philippines - Umpisa sa Marso 23 ay itataas na ng Philippine National Police (PNP) sa heightened alert status ang puwersa ng kapulisan sa buong bansa kaugnay ng paggunita sa Semana Santa.
“Regional Directors will have the discretion to raise it to full alert when needed while Police Regional Offices will be place on full alert starting March 27,” pahayag ni PNP Chief P/Director Gen. Ricardo Marquez sa text message.
Alinsunod sa full alert status ay kanselado muna ang bakasyon ng mga pulis at bawal rin ang mga itong lumiban sa trabaho maliban na lamang kung may mga emergencies.
Magpapakalat din ng mga pulis sa mga terminal ng bus, daungan at paliparan.
Bantay sarado rin ang mga matataong lugar kabilang ang mga simbahang Katoliko kung saan inaasahang dadagsa ang mga magbi-visita Iglesia na tradisyunal na ginagawa ng mga deboto sa tuwing sasapit ang paggunita sa Mahal na Araw.
Maging ang mga pangunahing pasilidad ng gobyerno ay mahigpit ring babantayan laban sa mga grupong posibleng magtangkang manabotahe.
Nagbigay din ng safety tips ang PNP sa mga magtutungo sa probinsiya para magbakasyon sa Mahal na Araw na ihabilin ang kanilang mga tahanan sa kanilang mga kapitbahay.
Pinayuhan naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Wilben Mayor ang netizens na huwag ipost sa mga social networking sites kung aalis ng kanilang mga tahanan upang hindi magsamantala ang mga kawatan.
Sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Joel Pagdilao, nakaalerto na ang kapulisan sa Metro Manila para sa Semana Santa.
Ayon sa opisyal may sapat na bilang rin ng mga pulis na ipakakalat sa mga mga matataong lugar kabilang ang mga simbahan at mga parke.
Nabatid na ang NCRPO ay hindi na nagbaba ng alerto at mananatili ito hanggang sa pagdaraos ng halalan sa bansa sa darating na Mayo 9.
Inihayag naman ni AFP spokesman Col. Noel Detoyato, hindi na nila kailangang magtaas pa sa red alert status dahil nakaalerto na sa lahat ng oras ang mga sundalo partikular na sa mga sumasabak laban sa mga banta sa pambansang seguridad.
- Latest
























