18 STL operators sabit sa plunder

MANILA, Philippines - Dahilan sa umano’y hindi pagdeklara ng totoo at tamang benta ng larong loterya ay kinasuhan ng plunder sa Ombudsman ang 18 operator ng Small Town Lottery sa bansa.

“Bukod sa paggamit ng ilang loterya bilang kublihan ng iligal na jueteng ay dinadaya pa ng mga nagpapatakbo nito ang deklarasyon ng kanilang benta na ikinalugi ng gobyerno ng mahigit P100 bilyon kada taon,” pahayag ni Diego L. Magpantay sa kanyang reklamo sa Ombudsman.

Si Magpantay, na siyang namumuno sa anti-graft and corruption taskforce ng Citizen’s Crime Watch, ay nagsabing hango ang kanyang mga ebidensiya sa report ng NBI at sa mismong mga dokumentadong ulat ng gaming department ng PCSO.

Sa sinumpaang salaysay ni Magpantay sa Ombudsman, natuklasan ang mga ebidensiyang magpapatunay ng pandaraya at katiwalian ng STL operators sa kanilang operasyon katulad ng paggamit ng mga “papelitos” at kubrador ng taya na ipinagbabawal sa ilalim ng mga alituntunin sa pagpapatupad ng loterya.

Binanggit ng CCW lider ang isinagawang raid ng NBI sa mga loterya sa Nueva Ecija, Bulacan, Zambales, Olongapo City, Batangas, Laguna at Quezon.

“Sa kanilang paggamit ng papelitos sa halip na mobile “point-of-sale terminals,” o POST, na siyang itinakda ng PCSO ay sinadyang itago ng mga operator ng loterya ang kanilang totoong benta na tinatayang aabot sa mahigit isangdaan-bilyong piso kada taon,” pahayag ni Magpantay kaugnay sa report ng NBI.

Ayon pa sa reklamo, “malinaw ang pananagutan sa kasong plunder ng mga sumusunod na kompanyang nabigyan ng permiso para mag-operate ng STL, kabilang din ang ilang opisyales ng PCSO na nagpabaya sa kanilang tungkulin: Batangas Enhanced Technology, CTG Prime Ventures, Diamond Gaming, First Golden Fortune, GIPC Gaming, Golden Matrix Gaming, Iloilo Small Town Lottery, Lake Tahoe Gaming, Lucky Pick Amusement, Northrails Resources, Ocenania Sur Gaming, Ramloid Gaming, Piroutte Corp., Randomchoice Gaming, Royal Viva Research, Suncove Corp., Sunset Marketing Corp. at Super Lucky.

Show comments