5 shoplifter sa mga mall tiklo

MANILA, Philippines – Limang shoplifter ang naaresto ng mga security guard ng iba’t ibang mall sa lungsod Quezon sa magkakahiwalay na pag atake ng mga ito, ayon sa ulat ng pulisya kahapon.

Sa ulat ng Quezon City Police District ang mga suspect ay nakilalang sina BJ Estrera, 26; Joey Rose Barroga, 31; Chris del Rosario, 32; Lio Francis Pasco, 21, at Marlon Sabrito, 33 ng Brgy. Pinyahan sa lungsod.

Base sa ulat, nadakip ang suspect na si Estrera matapos tangayin ang assorted na pabango na nagkakahalaga ng P1, 423 sa Fishermall, nagkakahalaga naman ng  P11,288.25 ang tinangkang ipuslit nina Barroga at del Rosario mula sa isang mall sa Cubao alas 7:30 ng gabi. Sa supermarket naman ng mall sa Cubao din nasakote si Pasco habang si Sabrito ay inaresto matapos na kunin ng hindi rin nagbabayad ang dalawang powerbank, BT speaker at isang PC sling bag sa may Korean Exquisite Lifestyle na matatagpuan sa 3rd floor ng Farmers Plaza sa Araneta Avenue Cubao.

Samantala, sinalakay din ng mga kawatan ang Super 8 Warehouse, Inc. sa may No. 1695 Rizal Avenue Extension, Monumento, Caloocan City noong Sabado.

Sa inisyal na ulat, nadiskubre na nakapasok ang mga magnanakaw sa pamamagitan ng pagdaan sa bahagyang nakabukas na bahagi ng butas na lagayan ng air-conditioning unit sa ikalawang palapag ng establisimiyento.

Winasak ng mga magnanakaw ang mga doorknobs ng mga kuwarto at natangay ang hindi pa mabatid na halaga ng salapi at dalawang kalibre .38 na baril na gamit ng kanilang security guards.

Sa pagsusuri ng mga tauhan ng Station Investigation and Detective Management Branch, nadiskubre naman na hindi nabuksan ang safety vault ng kumpanya habang narekober din ang isa sa baril na nawawala sa may exit ng establisimiyento.

Patuloy naman ang pagsusuri ng mga awtoridad sa mga insi­dente.

Show comments