Listahan ng partylists aayusin

MANILA, Philippines – Idadaan sa raffle ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsasa-ayos ng listahan o order of listings  para sa pagkakasunod-sunod ng party lists dahil karamihan ay nagsisimula umano sa letrang “A” at “1”.

Batay sa Resolution No. 10025, magsasagawa ang poll body ng raffle para matukoy ang pagkakasunud-sunod ng pa­ngalan ng mga party-list groups sa official ballots na gagamitin sa May 2016 elections.

May kabuuang 185 party-list groups ang ma­kakasali sa raffle na isasagawa sa Disyembre 14, na kinabibilangan ng 101 party-list groups, na ang aplikasyon ay naaprubahan na ng Comelec at 84 party-list organizations, na-deny ng dibisyon ngunit may mga nakabinbing apela sa en banc.

Tinitingnan pa rin ng Comelec ang posibilidad na madagdagan pa ng walo pang partylists na makakasama sa raffle suba­lit subject for resolution pa ang iba’t ibang isyu na kanilang kinakaharap.

Unang ipinakilala ng poll body ang raffle ng mga accredited party-list groups noong 2013 midterm polls, para tukuyin ang order of listing sa official ballots ng mga party-list groups.

Gumamit ng alphabetical order ang Comelec para sa pagkakasunud-sunod ng pangalan ng mga grupo sa balota, ngunit karamihan sa mga ito ay gumagamit ng letrang A at numerong 1 para mauna ang kanilang pangalan sa listahan.

May kabuuang 243 party-list groups ang naghain sa Comelec ng Manifestations of Intent to Participate in the 2016 elections.

Show comments