Anti-corruption ituloy – Rep. Leni

Ayon kay Rep. Robredo, hindi dapat hayaan na muling bumalik sa kultura ng katiwalian ang bansa dahil malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya. Philstar.com/AJ Bolando/File

MANILA, Philippines – Dapat ipagpatuloy ng susunod na administrasyon ang pinasimulang pagsugpo sa korapsyon ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ng “tuwid na daan.”

Inihayag ito ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo sa kanyang talumpati sa pagtatapos sa Ateneo de Manila School of Government. Aniya dapat gawing prayoridad ng susunod na administrasyon kung paano mapapanatiling buhay ang giyera kontra katiwalian at malinis na pamamahala.

Kabilang sa ipinaglaban ng yumaong asawa ni Rep. Robredo na si Interior Secretary Jesse Robredo ang malinis na pamamahala at pagpuksa sa katiwalian.

Ayon pa kay Rep. Robredo, hindi dapat hayaan na muling bumalik sa kultura ng katiwalian ang bansa dahil malaki ang magiging epekto nito sa ekonomiya.

Malaki ang maitutulong ng malinis na pamamahala para maialis ang taumbayan sa kahirapan, tulad ng ginawa ng kanyang asawa noong mayor pa ito ng Naga City.

Isa si Rep. Robredo sa pinagpipilian bilang bise presidente ni Liberal Party standard bearer Mar Roxas sa 2016 elections.

Tiwala ang karamihan ng mga sumusuporta kay Rep. Robredo na maipagpapatuloy nito ang malinis na pamamahala na nasimulan ni Sec. Jesse.

Sa unang dalawang taon niya bilang mambabatas, nakapag-akda si Leni ng 26 panukala habang co-author siya ng 108 panukala.

Show comments