Driver hinoldap na, taxi tinangay pa

MANILA, Philippines – Doble kamalasan ang sinapit ng isang taxi driver makaraang holdapin ng dalawang hindi nakilalang salarin ay tina­ngay pa ang kanyang minamanehong kotse, kamakalawa ng hapon sa Caloocan City.

Walang nagawa kung hindi iulat na lamang sa pulisya ang pangyayari ng biktimang si Rolando San Jose, ang pagtangay sa kanyang minamanehong Toyota Vios (TXX-901) Jamgor taxi.

Sa kanyang salaysay, sumakay ang dalawang salarin sa harap ng St. Peter Church sa may Commonwealth Avenue sa Quezon City at nagpahatid sa Brixton sa Camarin, Caloocan. Pagsapit  sa may Congressional Village sa Brgy. 175, Camarin, nagdeklara na ng holdap ang dalawang salarin na armado ng patalim dakong alas-4:20 na ng hapon.

Nilimas ng mga holdaper ang P900 kita niya sa pamamasada, relo, cellular phone, at maging kanyang salamin na nagkakahalaga umano ng P8,000.  Ibinaba siya ng mga suspek sa naturang lugar at pinaharurot ang taxi sa hindi matukoy na direksyon.

Show comments