11 iba pa may sintomas ng MERS-CoV

MANILA, Philippines – Inoobserbahan ngayon ng Department of Health ang 11 katao na nakasalauha ng Pinay nurse galing Gitnang Silangan na nagpositibo sa Middle East Respiratory Syndrome-Corona Virus (MERS-CoV).

Sinabi ng DOH na nagpakita ng sintomas ng sakit ang 11 katao, habang ang 45 iba pa ay nagnegatibo.

Mayroong ubo at pneumonia ang mga inoobserbahan kaya naman hindi sila maideklarang “entirely negative” mula sa sakit.

Kaugnay na balita: Pinay nurse na may MERS-CoV, buntis

"The reason we did not consider them as entirely negative was based on the advice of the World Health Organization and the Center for Disease Control," paliwanag ni Garin.

Kukuhanan ng blood, sputum at rectal swab samples ang mga ito upang matiyak ang kanilang kalagayan.

Hindi pa naman nasusuri ang 220 kasama sa Saudia Flight 860 ng Pinay nurse, pero 92 na ang pumayag na matignan ng doktor.

Nananawagan naman ang DOH sa iba pang pasahero na dumulog sa kanila upang malaman kung mayroon silang MERS-CoV.
 

Show comments