‘Pyramid scam’ idinulog ni Aquino sa Malaysian PM

MANILA, Philippines – Personal na idinulog ni Pangulong Aquino kay Malaysian Prime Minister Najib Razak ang isyu ng ‘pyramid scam’ partikular ang tungkol kay Manuel Amalilio, ang founder ng Malaysia-based investment company na Aman Fuentes.

Nagkaroon ng bilateral meeting ang lider ng dalawang bansa matapos silang dumalo sa 25th anniversary ng Association of Southeast Asian Nations - Republic of Korea (ASEAN-ROK) Commemorative Summit.

Pero hindi idinetalye ng Pangulo ang napag-usapan nila upang hindi umano maudlot ang “magandang development” na inaasahan niyang mangyayari sa mga darating na araw.

Matagal ng hinihiling ng Pilipinas ang extradition ni Amalilio, isang Filipino-Malaysian na inaakusahang nanloko ng libo-libong Filipino sa isang P12 bilyon investment pyramiding scam.

Tumakas papuntang Malaysia si Amalilio gamit ang isang pekeng passport kung saan hinarap niya ang dalawang taong pagkabilanggo at pagkatapos ay pinakawalan rin ng Malaysian authorities.

Hindi pinakinggan ng Malaysian Ministry of Home Affairs ang apela ng gobyerno ng Pilipinas na i-extradite si Amalilio upang harapin niya sa Pilipinas ang syndicated estafa na isinampa ng mga naghahabol na investors.

Bagaman at walang extradition treaty sa pagitan ng Pilipinas at ng Malaysia, nangako ang Department of Justice na ibabalik sa bansa si Amalilio upang mabigyan ng hustisya ang mga naloko nito.

Show comments