Nagpayo na sa bespren, binoga pa

MANILA, Philippines - Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang isang lalaki na hinihinalang tulak ng iligal na droga makaraang barilin ang matalik niyang kaibigan na nagpayo umano sa una na tigilan na ang iligal na gawain, kamakalawa ng hapon sa Malabon City.

Nahaharap na ngayon sa kasong frustrated homicide ang tumakas na suspek na nakilalang si Erwin Sanchez, residente ng Atis Road, Brgy. Potrero, ng naturang lungsod.

Isinugod naman sa Tondo General Hospital makaraang magtamo ng tama ng bala sa kanang tuhod ang biktimang si Niño Porbile, 24, ng Banana Road, ng naturang barangay.

Sa ulat, magkausap sina Sanchez at Porbile dakong alas-4:30 ng hapon malapit sa bahay ng suspek sa may Atis Road nang biglang magkasagutan ang dalawa. Dito nagbunot ng baril ang suspek at pinaputukan ang biktima saka mabilis na tumakas.

Nang isailalim sa imbesti­gasyon, sinabi ni Porbile na ki­na­usap niya ang matalik na kaibigan at pinayuhan na itigil na ang pagkakasangkot sa iligal na droga.  Minasama umano ito ng kaibigan kaya humantong sa kanilang pagtatalo at pamamaril.

 

Show comments